Si Juan At Ang Bulubundukin

 

Tanghali na nang nagising si Juan ng araw na iyon ng Lunes. Palibhasa disoras ng gabi na siya nakauwi mula sa isang pagtitipon sa Malate. Buwisit na buwisit man siya sa kung sino man ang nag-isip na idaos ang pagtitipon doon, nanatili pa rin siya upang uminom at makihalubilo. Bigatin kasi ang panauhing pandangal at gusto niyang magkaroon ng pagkakataon na obserbahan ang anak ng mayor na pinagkakaguluhan sa siyudad kung saan siya nakatira. Sa totoo lang, hindi niya maunawaan bakit maraming babaeng nagkakandarapa sa lalakeng iyon. Hindi naman siya katangkaran, wala rin siyang taglay na kagwapuhang gaya ng kay Piolo, at kung paniniwalaan ang mga usap-usapan, hindi rin naman daw matalino at idinaan na lang sa donasyon ng building ang pagtatapos sa kolehiyo. Nahuhumaling pati ang nobya ni Juan sa lalake at kahit medyo naiinsulto siya sa tuwing kilig na kilig na kinekwento sa kanya ni Stephanie kung ano ang kinain ng anak ni mayor sa kainan kung saan siya nagtatrabaho, tinitiis ni Juan sapagkat gusto niya rin malaman kung ano nga ba ang kinakain ng mga gaya ni Linden Gregorio.

Malamang maiinggit si Stephanie kapag nalaman niyang pumarty kagabi ang nobyo niya kasama ni G. Gregorio at nagkapalitan pa sila ng kaunting salita. Nagtanungan lang naman sila kung saan gumraduate at saan ang probinsya ng bawat isa pero para kay Juan unang hakbang na iyon para maging malapit ang loob niya sa lalake.

Minsan napagkamalan na siyang bakla dahil din sa pagnanais niyang mapalapit sa kaklaseng lalake. Nagalit pa siya noon sa pinsan niya dahil isa pala siya sa mga tumawa noong napag-usapan sa canteen kung naka-panty ba si Juan sa ilalim ng uniporme niya. Matapos niyang hamunin ng suntukan ang mga chismosong kaklase, namatay na ang usap-usapan at bumalik na sa normal ang buhay ni Juan. Hindi na siya muling niyayang magbasketbol ni Freddie sapagkat natakot etong manumbalik ang isyu at machismis kay Juan. Hinayang na hinayang siya noon. Hindi dahil sa may gusto siya kay Freddie kung hindi dahil hindi siya nagkaroon ng pagkakataon namakasakay sa mamahalin nitong kotse.

Natapos sa kolehiyo si Juan ng walang parangal pero malaking karangalan na sa kanya ang pagkakaroon ng nobyang nakasabayan si Sandara Park mag-apply sa Star Circle Quest. Ni hindi umabot si Stephanie sa lupon ng 12 manlalahok pero sapat na para kay Juan ang nadaanan si Stephanie ng kamera at pinag-usapan sa eskwelahan ng dalawang linggo.

Tumunog ang telepono ni Juan at dali-dali niya itong dinampot. May mensahe galing sa kaopisina niyang si Martha at tinanatong nito kung nasaan na siya. May pulong sila at ng kliyente nila ng ala-una at siya na lang ang inaantay. Panandaliang nag-isip si Juan kung magmamadali na ba siyang maligo at magbihis pero sa huli, naisip na lang niyang magdahilan para hindi makapasok. Nag-text siya kay Martha at sa kanilang bisor, “Sorry di ako makakapasok ngayon. LBM po.” Bumalik siya sa pagtulog at nanaginip na anak rin daw siya ng mayor.

Dapit-hapon na nang nagising muli si Juan at nakita niyang tatlong beses na palang tumawag ang kanyang nobya para magpasundo. Gusto na rin sanang magdahilan ni Juan kay Stephanie pero naalala niyang kaarawan nga pala ng kapatid nito. Naligo siya at nagbihis, ginamit niya ang mamahaling cologne na nangangalahati na pero hanggang ngayon ay hinuhulugan pa rin niya sa kanyang kaopisina. Inabot ng isang oras ang byahe ni Juan at pinilit niyang ngumiti para kay Stephanie pero sa loob-loob niya, nagrereklamo siya sa layo ng pinagtatrabahuhan ng nobya at nanghihinayang siya sa pamasahe samantalang pwede namang magkita na lang sila sa bahay nila. Sumakay sila ng taxi papunta kanila Stephanie at doon kinwento ni Juan ang kanyang napuntahan kagabi.

Walang regalo si Juan para kay Sandra pero gaya ng mga nakalipas na taon, nangakong siyang ibibili niya ito sa sweldo. Tumango lang si Sandra pero natatandaan niya ang mga bag, sapatos, at cellphone case na nauwi sa drawing. Hindi niya alam bakit nagtitiis ang ate niya kay Juan. Mabait naman siya, lalo na noong umpisa, pero ngayon parang wala nang inatupag kundi maglagay ng larawan sa Facebook at Instagram. Minsan na rin niyang tinanong sa ate niya kung bakla si Juan pero matapos niyang mahuli ang kapatid at si Juan sa may labanderya, hindi na siya nagduda pa.

Pumwesto si Sandra sa tabi ng lamesa kung saan nakapatong ang kanyang handang ispageti, barbecue, pritong manok, at mocha roll. Sabay-sabay naman siyang kinuhaan ng letrato ng ate at nanay niya. Rinig na rinig ang buntong-hininga ni Juan. “Jologs talaga”, sabi ni Juan sa sarili. “Pagkatapos niyan lalagay nila agad sa Instagram tapos may tatlumpung hashtag.” Hindi niya napigilang ibahagi sa kasintahan ang kaisipang ito na sinagot naman ni Stephanie ng irap. “Ano ba pakialam mo, e kaarawan nung tao? Ikaw nga walang pumapansin sa mali-maling spelling mo sa mga caption mo eh.”

Tumahimik si Juan at panandaliang napahiya. Pero pinakalma na lang niya ang kanyang sarili sa ideyang makakahalubilo na naman niya ang anak ng mayor sa Sabado, kung saan inimbitahan siya ng kaibigan ni Juan manood ng konsiyerto sa Subic. Hindi gusto ni Juan ang mga bandang tutugtog pero dahil halos lahat ng mga naging kaklase niya sa kolehiyo ay pupunta sa mala-Woodstock na okasyon, minabuti na rin niyang tanggapin ang imbitasyon. Nangutang siya sa nanay niya para sa tiket at pambayad sa hotel na tutuluyan nila pero hindi niya inamin sa nanay niya kung para saan ito. Sinabi na lang niyang na-holdap siya. Ang kanyang ina naman niyang naawa, pinamili pa siya ng mga personal na bagay gaya ng shampoo, sabon, at deodorant.

Umalis si Juan bago mag-alas dose ng gabi. Nakiusap si Stephanie na doon na lang siya matulog pero ayaw ni Juan kasi walang wi-fi ang kanilang bahay. Kailangan niya pang kumonekta sa internet para maka-chat si Linden na kaka-tanggap lang ng imbitasyon niya sa Facebook. Nagpadala din siya ng imbitasyon sa malayo niyang kamag-anak na ngayon ay nagtratrabaho na sa ABS-CBN bilang manunulat pero hanggang ngayon di pa rin niya ito tinatanggap.

Kasabay niyang umalis ng bahay si Sandra na hindi pinayagan ng opisinang ipagliban ang pagpasok sa araw na iyon kahit kaarawan niya. Gaya ng nakagawian, tinanong ni Juan si Sandra kung bakit hindi ito nagsasawa sa pagtrabaho ng napaka-iregular na oras at sinagot siya ni Sandra na sanay na siya dito. “Ayaw mo bang subukang magtrabaho sa amin, kuya? Sigurado matatanggap ka agad magaling ka pa namang mag-Inggles.”

“Ayoko. Hindi ko kaya yung oras ninyo,” ang isinagot ni Juan pero ang katotohanan, ayaw niya sa call center. Nababaduyan siya. Pinagmamalaki ni Juan ang titulo niya bilang “researcher” pero kung aaralin ang kanyang ginagawa sa opisina, kinokopya niya lang ang nakikita niya sa internet at nilalagay ito sa Excel. Si Martha na ang nag-aaral ng mga numero at gumagawa ng mga suhestiyon base sa impormasyong nalikom. Hanggang ngayon, walang nakakaalam kung magkano ang kinikita ni Juan kada buwan. Wala pa ito sa kalahati ng sinasahod ni Sandra pero mas gusto na niya yun kesa tawagin siyang ahente.

Hindi na siya natulog pag-uwi at baka tanghaliin na naman siya ng gising. Lutang siya ng Martes, Miyerkules, at Huwebes pero nagising ang diwa niya noon Biyernes, nang ipatawag siya sa opisina ng kanilang bisor.

Pang-ilang absent niya na pala yung noong Lunes at huling pagkakataon niya na pala iyon. Naalala ni Juan na mayroon nga pala siyang pinirmahan na papel na nagsasaad na kapag nahuli siya ng dating o lumiban ng trabaho, maaari na siyang alisin sa puwesto ng kumpanya. Maraming terminong legal na ginamit si Juan at nanakot pa siyang magsasampa siya ng kasi sa DOLE pero walang pagbabago sa reaskyon ng kanyang amo. Padabog na umalis si Juan ng kwarto at nilinis ang kanyang lamesa.

Hindi siya makaimik buong gabi. Hindi niya alam paano niya sasabihin sa nanay niya kung ano ang nangyari. Malamang mahihirapan siyang maghanap ng trabaho dahil hindi maganda ang dahilan ng pagkakatanggal niya. Nagkwento ang nanay niya ukol sa napanood niyang telenovela pero imbes na magkomento si Juan sa kabakyaan ng nanay niya, gaya ng ginagawa niya sa tuwing nagkukwento ito sa mga napanood niya sa telebisyon, tahimik lang si Juan at tinapos ang kanyang hapunan.

Ibinalita niya kay Stephanie kung ano ang nangyari. Noong una may simpatya pa sa boses ni Stephanie pero noong nalaman niya ang dahilan kung bakit sinibak si Juan, nagalit siya sa nobyo. “Ano ka ba? Di ba pang-ilang beses ka nang sinabihan tungkol diyan? Bakit ba hindi ka nagtanda. Paano ito ngayon, paano tayo?” May takot sa boses ni Stephanie sapagkat hindi pa rin siya dinadatnan ng kanyang buwanang dalaw at kutob niya may nabuo sa huling pagtatalik nila ni Juan.

“Ewan ko. Pwede ba huwag mo akong sigawan? Hindi na nga ako makapag-isip eh.”

“Palagi ka namang hindi makapag-isip eh, pero kapag sosyalan ang bilis bilis mo gumawa ng desisyon. Sige sabihin mo paano ngayon yan pag nag-background check ang mga susubukan mong kumpanya?”

“Ano bang alam mo, waitress ka lang?” angil ni Juan.

Tumahimik si Stephanie sa kabilang linya at naipit ang kanyang mga salita ng mga hikbing nabuo sa kanyang lalamunan. Pinatayan niya ng telepono si Juan bago pa niya ito marinig na umiyak. Hindi na sinubukan ni Juan na tawagan siya. Kinuhaan na lang niya ng litrato ang tiket ng konsyerto bukas at pinaskil ito sa Facebook at Instagram.

“Pare ang tagal mo, nauna na sina Michael at Linden.” reklamo ni Abet kay Juan pagdating nito sa lugar na napagkasunduan.

“Pasensya na tsong,” sagot ni Juan. “Yung mom ko kasi ang tagal sa banyo.” Mama talaga ang tawag niya sa nanay niya pero “mom” ang sinsabi niya kapag nasa harap ng mga kaibigan.

“O tara na.” yaya ni Abet. Inabot ng apat na oras ang dapat dalawang oras na biyahe papuntang Subic pero hindi pansin ni Juan ang oras. Hindi niya rin pansin ang siyam na mensaheng pinadala ni Stephanie. Ngayong gabi, mayroon lamang siyang tatlong hangarin: ang makinig ng musika, maging kabarkada si Linden, at malasing.

Punung-puno ang hotel kung saan sila nagpareserba at mahina ang aircon. “Hindi ito nangyayari sa Manila Pen,” pabulong na sabi ni Abet. Sinegundahan siya ni Juan kahit na ni minsan hindi pa siya nakkakatungtong maski sa garahe nito. Bumaba sila at pumunta na sa konsiyerto kung saan lasing nang tumatalon sina Linden at Michael. Aksidententeng nabuksan ni Juan ang mensahe ni Stephanie kung saan tinawag niya si Juan na “Becky Sharp”, pero agad itong sinara ni Juan para makuhaan ng litrato ang banda.

Bukas pa mababasa ni Juan ang iba pang mga mensahe ni Stephanie. At gaya ng nauna, buburahin niya lamang ang mga ito sapagkat hindi naman ito dapat pag-aksayahan ng panahon. Uunahin niya munang kuhaan ng larawan ang kakainin niyang agahan.